
Nagtungo sa Korte Suprema ang grupo ng mga abogado sa pangunguna ni Atty. Marvin Aceron para maghain ng petition for mandamus and certiorari sa Korte Suprema.
Ito’y para himukin ang kataas-taasang hukuman na utusan sang Senate Blue Ribbon Committee na ilabas ang draft report hinggil sa imbestigasyon ng anomalya sa flood control project.
Ayon kay Atty. Aceron, nararapat lamang na ilabas ang draft report ng komite ng Senado kahit pa may ilan ang bumawi ng pirma nito.
Aniya, karapatan ng bawat mamamayan ng bansa na malaman ang resulta ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee para makita ang transparency at masiguro na walang itinatago.
Paliwanag ni Aceron, hindi maaaring itago na lamang ang nasabing resulta ng imbestigasyon lalo na’t ito ang magiging basehan na talagang walang pinapanigan at itinatago ang mga senador.
Umaasa ang grupo ni Aceron na papaboran ng Korte Suprema ang kanilang kahilingan dahil karapatan ng bawat Filipino na malaman ang ginawagang trabaho ng senado sa malawakang anomalya sa flood control project na ginamit ang pondo ng bayan.










