Paglalabas ng karagdagang pondo para sa pagtugon sa bagyo, pinag-aaralan na ng pamahalaan

Sinisilip na ng pamahalaan ang posibilidad na paglalabas ng karagdagang pondo para sa disaster response and relief operations para sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Rolly.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagpulong ang mga opisyales ng Office of the President para malaman kung anong karagdagang pondo ang maaaring mailabas.

Sinabi rin ni Roque na inatasan din ni Pangulong Duterte ang mga government agencies kabilang ang militar na magpatupad ng epektibong pagtugon sa kalamidad at tulungan ang mga apektadong komunidad.


Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakapaglaan na ng ₱884 million na halaga ng food packs at standby funds.

Maaari din aniyang gamitin ang pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 bilang livelihood assistance sa mga manggagawang nawalan ng trabaho at naapektuhan pa ng bagyo.

Ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay patuloy na ipatutupad ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), isang community-based emergency employment para sa displaced workers.

Nabatid na hindi nakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon at sa halip na naka-monitor siya sa kanyang bahay sa Davao City.

Inaasahang babalik sa Manila ang Pangulo bukas.

Facebook Comments