
Hindi pa nakikita ng Malacañang ang pangangailangang maglabas ng medical bulletin kaugnay sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, karaniwang naglalabas lamang ng medical bulletin kapag seryoso o may banta sa buhay ang karamdaman ng pangulo.
Mismong ang pangulo na aniya ang nagsabi na hindi naman life-threatening ang kanyang kondisyon kaya hindi kinakailangang magpalabas ng opisyal na medical bulletin.
Dagdag pa ni Castro, bagama’t hindi doktor ang pangulo, siya mismo ang nakakaramdam ng kanyang kalagayan at dapat itong pagkatiwalaan, at kung may nararamdamang kaunting pananakit ay agad naman itong tinutugunan ng mga doktor.
Mula noong Lunes, piling mga aktibidad at pribadong pulong lamang ang dinadaluhan ni Pangulong Marcos, at hindi pa matiyak kung sa mga susunod na araw ay muli itong lalabas ng Malacañang para sa mga public engagements.
Sinabi naman ni PCO Secretary Dave Gomez na nasa recovery period na ang pangulo.
Inaasahan din ng Palasyo ang full recovery ng pangulo sa mga susunod na linggo.










