Sa harap ng nalalapit na paglalabas ng resulta ng 2024 Bar Examinations, ipinaalala ng Korte Suprema na bawal ang paglalantad ng mga nakuhang score ng mga kumuha ng pagsusulit.
Batay sa guidelines, maituturing na paglabag sa probisyon ng Data Privacy Act ang paglalantad ng Bar Exam score ng isang examinee nang walang consent o pahintulot dahil itinuturing itong personal na impormasyon.
Maaari namang humiling ng Bar Exam scores ang mga law school mula sa Korte Suprema basta’t “aggregated” o pinagsama-sama ang resulta at hindi nakatukoy sa isa lamang Bar exam taker.
Pwede rin daw ilabas ang mga numero o porsyento ng mga law school graduate na naka-categorize, bilang o porsyento ng Bar takers at ang average score ng lahat ng graduates sa bawat Bar subject.
Pero kailangang pirmado ng dean ang request na ipapadala sa SC at may nakasaad na lehitimong layunin ng pagkuha ng Bar Exam scores.
Ilalabas ng Korte Suprema ngayong Biyernes, December 13 ang resulta ng 2024 Bar Exams na ginanap nitong Setyembre.
Nasa 10,490 ang nakatapos ng tatlong araw na Bar Exam mula sa 10,504 na kalahok sa pagsusulit.