Paglalabas ng pahayag tungkol sa ginagawang pagtugon ng gobyerno laban sa nCoV, dapat pangunahan ni PRRD

Manila, Philippines – Hinimok ni Vice President Leni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte na manguna sa pagbibigay ng mensahe tungkol sa 2019 novel coronavirus o nCoV.

Kasunod ito ng pagbatikos ni Robredo sa aniya’y “unnecessary” at “tentative” na mga pahayag ng ilang public officials sa pagbibigay ng update tungkol sa ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa isyu ng nCoV.

Partikular na tinukoy ng bise presidente ang naging pahayag noong Biyernes ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.


Matatandaang sinabi ni Panelo na hindi kayang mag-provide ng gobyerno ng libreng face masks sa mga higit na nangangailangang sektor dahil sa kakulangan ng suplay nito.

Giit ni Robredo – mas mainam kung si Pangulong Duterte na lang ang magbibigay ng katiyakan sa publiko na ginagawa ng pamahalaan ang lahat kaysa sa iba-ibang mensaheng ipinararating ng iba’t ibang opisyal.

Samantala, kanina ay inilabas na ng Malacañang ang detalye ng naging direktiba ni Pangulong Duterte hinggil sa temporary travel ban.

Bukas, muling makikipagpulong ang pangulo sa Inter-Agency Task Force for The Management of Emerging Infectious Disease para talakayin ang mga hakbang na maaaring gawin para makontrol ang pagkalat ng nCoV.

Facebook Comments