Pinamamadali ni Quezon City Rep. Kit Belmonte sa Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng pondo para sa rehabilitasyon ng Philippine General Hospital (PGH).
Ang pagkalampag ng kongresista ay bunsod na rin ng sunog na tumupok sa ikatlong palapag ng ospital kaya napilitan na i-evacuate ang mga pasyente na nakaapekto na rin sa operasyon ng pagamutan.
Sa House Resolution 1768 na inihain ng kongresista, inaatasan nito ang DBM na ilabas kaagad ang kinakailangang pondo para sa mabilis na pagsasaayos ng ospital.
“Hindi kakayanin ng ating bayan lalo na ng ating mga kababayan ang mawalan ng pagkakataong mabigyan ng dekalidad na serbisyong medikal lalo na at maraming sektor ng ating lipunan ang nilumpo na ng pandemya,” pahayag ni Quezon City Rep. Kit Belmonte.
Hindi aniya kakayanin ng mga kababayan lalo na ng mahihirap kung mawawalan ng dekalidad na pagamutan na titingin sa kanila ngayong pandemya.
Ipinunto ni Belmonte na bilang pinakamalaking COVID-19 referral hospital ay kailangan ng agarang rehabilitasyon ng pagamutan.
Batay kay PGH Dir. Dr. Gerardo Legaspi, nasa ₱60 million ang estimated damage bunsod ng sunog.
Posible namang abutin ng tatlo hanggang apat na buwan bago makabalik sa normal na operasyon ang PGH.