Paglalabas ng rice shipment sa mga pantalan, pinamamadali ng isang kongresista

Iginiit ni Agri-Partylist Representative Wilbert “Manoy” Lee sa Bureau of Customs (BOC) at Philippine Ports Authority (PPA) na gawing mabilis ang pagpapalabas ng rice shipments sa mga pantalan sa bansa para mapataas ang suplay nito sa lokal na merkado at mapababa ang presyo.

Hiling ito ni Lee sa BOC at PPA, sa gitna ng balita na tumatagal ng isa hanggang dalawang linggo na nakatengga ang mga kargamentong bigas sa mga pantalan sa halip na mailabas agad sa merkado.

Binigyang-diin ni Lee na wala dapat puwang sa gobyerno ang mabagal at usad-pagong na sistema upang hindi makadagdag sa mabigat na problema ng taumbayan, lalo sa usapin ng pagkain.


Samantala, nanumpa naman si Congressman Lee bilang miyembro ng Aksyon Demokratiko na itinayo ni dating Senator Raul Roco.

Ang hakbang ni Lee ay kaugnay sa kanyang plano na pagkandidato sa pagkasenador sa 2025 elections.

This slideshow requires JavaScript.

Naniniwala si Lee na ang paglahok nya sa Aksyon Demokratiko ay isang oportunidad para mapalawak ang kanyang adbokasiya para sa seguridad sa pagkain, paglikha ng trabaho, at pagkakaloob ng mahusay na serbisyong pangkalusugan sa mamamayang Pilipino.

Facebook Comments