Paglalabas ng SALN ng Chief Justice at SC Justices, kailangang aprubahan ng En Banc

Nilinaw ng Korte Suprema na dadaan muna sa pag-apruba ng Court En Banc ang paglalabas ng Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng Chief Justice at mga mahistrado ng Kataas-Taasang Hukuman.

Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, ito ay para maprotektahan ang privacy ng mga mahistrado at kung may mga kailangang hindi isama sa ilalagay.

Sa kabila nito, sinabi ni Ting na maaaring hilingin sa Office of the Clerk of Court sa pamamagitan ng nakasulat na request form mula sa website ng SC ang mga kopya ng SALN, Personal Data Sheet, at Curriculum Vitae ng mga mahistrado.

Pero dapat daw ilagay sa form ang layunin ng paggamit ng impormasyon habang ang mga request mula sa mga mamamahayag ay kailangang may patunay ng affiliation at accreditation.

Tiniyak naman ni Ting na iginagalang ng SC ang right to information ng publiko, at kasalukuyan nang ina-update ang mga patakaran at form nito para sa pag-access ng impormasyon.

Facebook Comments