Nagpahayag ng kasiyahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapalabas ng Jolo Regional Trial Court Branch 3 ng arrest warrant laban sa siyam na pulis na nakapatay sa apat na sundalo sa tinaguriang Jolo shooting incident.
Ayon kay AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo, ang pag-isyu ng warrant nang walang inirekomendang piyansa ay indikasyon na may malakas na ebidensya laban sa mga suspek.
Panawagan naman ni Arevalo sa siyam na pulis na agad sumuko sa mga otoridad, bago pa man sila tugisin ng AFP, PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan para maiharap sa korte.
Matatandaang pinalaya ng PNP mula sa kanilang kustodiya ang 9 na pulis nitong Lunes, dahil sa wala pang warrant na inilabas ang korte nang lumipas ang 10 araw na palugit sa pagiging epektibo ng kanilang dismissal sa serbisyo.
Katwiran ng PNP, wala na silang hurisdiksyon sa mga pulis matapos na masibak sa serbisyo ang mga ito at wala ring legal na kautusan para ikulong ang mga ito.