Paglalagay kay alias Totoy sa WPP, minamadali na — DOJ

Nais ng Department of Justice (DOJ) na madaliin na ang proseso sa paglalagay sa Witness Protection Program (WPP) kay Julie “Dondon” Patidongan o alias “Totoy”.

Si Patidongan ang lumantad at unang nagbunyag kung ano ang sinapit ng missing sabungeros at nagsabing sa Taal Lake inilibing ang mga ito.

Sabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mapapadali na rin ang pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.

Sa ngayon, patuloy na pinag-aaralan ang reklamong inihain laban sa negosyante at gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang at iba pang inireklamo kamakailan sa DOJ.

Saka pa lamang magsasagawa ng preliminary investigation bago maglabas ng subpoena laban sa respondents upang pasagutin ang mga ito.

Bukod kay alias Totoy, plano ring gawing testigo ng DOJ ang kapatid nitong si Elakim na una nang sinabi ng kalihim na personal na nakasaksi sa maraming pagpaslang.

Naniniwala naman ang kalihim na posibleng maraming kaanak ng mga sabungero inareglo na ng kabilang panig pero patuloy pa rin daw ang kanilang imbestigasyon sa kaso.

Facebook Comments