Inatasan na ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon ang director general ng komite na magpadala ng letter of request sa Department of Justice (DOJ).
Ito ay para mailagay sa Watch Order ng Bureau of Immigration (BI) si dating Presidential Adviser at Chinese businessman Michael Yang.
Hakbang ito ng komite makaraang hindi muli dumalo si Yang sa ika-anim na pagdinig ukol sa paggasta sa pandemic response funds at pagbili ng gobyerno sa umano’y overpriced na face mask, Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang medical supplies.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Raymond Fortun, hindi nakadalo sa Senate hearing si Yang dahil tumaas ang blood pressure nito at pinayuhan ng doktor na mag-bed rest sa loob ng limang araw.
May kinakaharap ding warrant of arrest si Yang na inilabas ng Senado at isinilbi sa kanyang tahanan sa Makati pero wala siya kaya hindi nagawa ng Office of the Senate Sergeant at Arms ang pag-aresto sa kanya.
Si Yang ang sinasabing naging tulay sa pagbili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (DBM) ng hinihinalang overpriced na pandemic supplies sa kompanyang Pharmally.