Inaasahang magkakaroon ng paggalaw sa mga pwesto ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang resulta ng pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng bagong AFP Chief of Staff (COS).
Ayon kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro, ang pag-angat ni Army Chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr. bilang susunod na AFP chief ay lilikha ng upward movement sa mga opisyal ng militar.
Sinabi ni Teodoro na naramdaman ng pangulo na napapanahon na magkaroon ng mga pagbabago sa hanay ng militar kasabay ng pag-transition ng AFP mula sa internal security sa external defense.
Paliwanag pa ng opisyal, mahalaga sa pangulo ang isyu sa West Philippine Sea (WPS) kaya niya napili si outgoing AFP Chief Gen. Andres Centino na maging Presidential Adviser for the West Philippine Sea.
Kasunod nito, tiniyak ni Teodoro na magiging seamless ang mga pagbabago na mangyayari sa hanay ng militar.