Manila, Philippines – Pina-aaprubahan agad ni House Committee on National Defense and Security Chairman at Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon ang BodyCam Bill o House Bill 2741 na inihain nito sa Kamara.
Ayon kay Biazon, noong nakaraang taon pa niya inihain ang panukalang paglalagay ng body camera sa mga pulis tuwing may isasagawang operasyon.
Ang paglalagay ng body camera ang magsisilbing ebidensya at “neutral eyewitness” kung may mga paglabag na ginagawa ang mga otoridad.
Ang mungkahing ito ni Biazon ay bunsod na rin ng pagpatay ng mga pulis sa Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos sa Caloocan matapos ang Oplan Galugad na isinagawa ng PNP Caloocan.
Hindi aniya magiging malinaw ang isang kaso kung ang puro pagbabatayan ay ang magkakasalungat na sinasabi ng PNP at ng pamilya ng mga namatayan.
Dinepensahan naman ni Biazon ang panig ng PNP at sinabing may mga pagkakataon din na ang mga pulis naman ang naabuso o nababaligtad sa sitwasyon.
Dagdag pa ng mambabatas, handa ang Kamara na suportahan ang budget ng PNP para sa ilalaan na pondo sa pagbili ng mga body cameras.