Tuloy ang panawagan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 1 na kung maaari ay iwasan ang paglalagay ng iba’t ibang campaign materials o anumang posters lalo ngayong panahon ng eleksyon sa mga puno na matatagpuan sa mga pampublikong mga lugar gaya ng kakalsadahan.
Sa panayam kay Atty. Arlyn Katherine C. Buduhan, Chief, Enforcement Division, DENR 1, ang paglalagay ng mga campaign materials sa mga puno at pampublikong lugar ay ipinagbabawal batay sa Presidential Decree 953 kung saan ang mga mahuhuli ay pwedeng patawan ng parusa gay ana lamang ng multa na 500 piso o pagkakakulong ng abot sa anim na buwan hanggang sa dalawang taon.
Iginiit pa ni Buduhan, na nagsimula na noong nakaraang taon ang kanilang koordinasyon sa kanilang mga field offices na i-monitor at makipag koordinasyon sa mga Local Government Units at Offices para sa pagbabaklas sa anumang campaign o promotional materials na nakasabit o nakapako sa mga puno dahil sa ito umano ay nakakasira sa puno.
Ipinaalala rin nito sa mga indibidwal na nagdidikit ng mga materials na kahit pa sa designated areas ang pinaglagyan ng materyales ay kailangang siguraduhin na maayos itong maididikit upang sa gayon ay maging maayos ito at hindi maging basura.
Ipinanawagan pa rin sa publiko na kung sakaling may makitang mga indibidwal na lumalabag dito ay maaaring i-report agad ito sa pinakamalapit na police stations at sila mismo ang maaaring humuli sa mga ito. | ifmnews