Paglalagay ng China ng floating barriers sa WPS, maituturing na crime against humanity

Para kay Deputy Speaker at Batangas Representative Ralph Recto, maitutututing na crime against humanity ang paglalagay ng China ng floating barriers sa West Philippine Sea (WPS) na dahilan para hindi makapangisda ang mga mangingisdang Pilipino.

Giit ni Recto, ang naturang hakbang ng China ay katumbas ng pagpilay sa isa sa sandalan ng ating food security dahil ang naturang lugar ang pinagmumulan ng 30% ng ating mga isda.

Tinukoy ni Recto na ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), dahil sa panggigipit ng China sa ating mga mangingisda ay bumaba sa pitong porsiyento ang kabuuang national fisheries production ng Pilipinas.


Dahil naman sa iligal na pangingisda ng China sa ating katubigan at kung minsan ay pag-agaw sa mismong huli ng mga Pilipinong mangingisda ay nagkukulang ang suplay ng isda sa bansa kaya napipilitan tayong umangkat.

Ayon kay Recto, ang ginagawang food blockade o suntok sa ating sikmura ng China ngayon ay tila pakikipaglaro ng hunger games sa Pilipinas.

Isa ring kabalintunaan ayon kay Recto, na ang China ang nangungunang pinagkukunan natin ng imported na isda na sa atin din naman nagmumula.

Facebook Comments