Utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na maglagay ng district office sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM).
Ito ay matapos mapuna ng pangulo na nahirapan ang BARMM na mag-ayos ng mga nasirang tulay sa rehiyon na iniwan ng Bagyong Paeng.
Manggagaling pa kasi sa national office ng DPWH ang pagpapatupad ng operasyon para rito.
Sa ginanap na situation briefing sa Maguindanao, sinabi ng pangulo na kailangan ng isang district office ng DPWH sa BARRM para agad may responde, clearing operations at pagsasaayos ng mga nasirang tulay at kalsada tuwing may kalamidad sa rehiyon.
Ayon sa pangulo, madaling gawin ang clearing operations sa mga kalsada pero ang paggawa ng tulay ang mahirap at matagal.
Sumagot naman agad si Bonoan sa utos ng pangulo at sinabing inatasan na niya ang regional director ng departamento para makipagtulungan sa project management para maibalik ang operasyon ng mga nasirang tulay.
Nabatid na sampung tulay sa Maguindanao ang nasira ng Bagyong Paeng, kaya hirap ang isinasagawang relief operations dahil hindi makatawid ang malalaking sasakyan na nagdadala ng relief goods at iba pang tulong.