Naka-agenda sa susunod na pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa Hwebes ang panukalang maglagay ng expiration date sa mga vaccination cards gayundin ang rekomendasyon na baguhin ang ibig sabihin ng fully vaccinated individuals.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na sabay sabay itong tatalakayin ng IATF sa susunod na linggo.
Matatandaang sa naunang rekomendasyon ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion, sinabi nitong mas maigi kung ang ibig sabihin ng fully vaccinated individual ay ang mga nakapagpaturok na ng dalawang primary doses ng bakuna at isang booster shot.
Dagdag pa nito ang mga vaccine cards na may nakasaad pa lamang ng dalawang primary doses ay inaasahang expired na ngayon kung wala pang nakukuhang 1st booster shot ang isang indibidwal.
Base sa pinaka-huling datos ng Deparment of Health (DOH) nasa 12M pa lamang ang natuturukan ng booster shot mula sa 67.2 million na mga Pilipino ang mayroong kumpletong bakuna laban sa COVID-19.