Paglalagay ng floating barrier o boya ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc naiparating na kay PBBM

Naipaabot na nang National Security Council kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ginawang paglalagay ng floating barrier o boya ng Chinese Coast Guard (CCG) sa Bajo de Masinloc.

Sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na inihanda agad nila ang report patungkol sa mga boyang ito at ibinigay sa pangulo matapos na madiskubre ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong September 20, 2023.

Sinabi pa ni Malaya na lahat ng nagaganap sa Bajo de Masinloc, Ayungin Shoal at buong Kalayaan Group Island ay ipinararating sa pangulo.


Sa ngayon ayon kay Malaya naghihintay na lamang sila ng official statement sa pangulo kaugnay sa panibagong aktibidad na ito ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc.

Malinaw rin ayon kay Malaya ang nakasaad sa 2016 arbitral rulling na may karapatan ang mga Pilipinong mangingisda na mangisda sa Bajo de Masinloc.

Batay rin aniya sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) may karapatan ang Pilipinas na alisin ang lahat ng sagabal sa pangingisda ng mga mangingisda sa buong West Philippine Sea.

Una nang kinondena ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang ginawang paglalagay ng floating barrier ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc dahil sa naglilimita ito sa mga Pilipino mangingisda para makapangisda.

Facebook Comments