
Muling ipinanawagan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagkakaroon ng “halfway houses” o lugar na pwedeng tuluyan pansamantala ng mga taga-bantay ng pasyente na malapit sa mga ospital.
Binigyang-diin ni Go na mahalagang kilalanin din ng mga polisiya at programa ang mga patient watchers bilang bahagi ng healthcare equation dahil ang mga ito ang tumutulong sa recovery o paggaling ng isang pasyente.
Tinukoy ng senador na salitan ang mga pamilya na nagbabantay sa kanilang pasyente at malaking tulong kung magkakaroon ng halfway houses lalo na sa mga pamilyang mula pa sa malalayo nakatira.
Sinabi ng mambabatas na kahit simpleng tulong tulad ng pagkain o pamasahe ay malaking ginhawa sa gastusin ng isang pamilyang may inaalagaang pasyente.
Kabilang naman sa mga nalagyan na ng halfway houses o nasa proseso pa lang ng paglalagay nito ay matatagpuan sa University of the Philippines-Philippine General Hospital, Quirino Memorial Medical Center, Southern Philippines Medical Center, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center, at Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital.








