Isinusulong ni Senator Raffy Tulfo sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang paglalagay ng ‘rating’ ng nutrisyon sa mga packaged food products o pakete ng pagkain na dagdag sa inilalagay sa ‘standard nutritional facts label’.
Layunin ng Senate Bill no. 1684 ni Tulfo na mabigyan ang mga consumers ng sapat ng impormasyon sa mga pagkaing binibili upang maiwasan ang ilan sa mga nakamamatay na sakit.
Sakop ng paglalagay ng “Health Rating System” ang lahat ng packaged food products na ibinebenta sa mga grocery stores maliban sa mga fresh unpacked foods, condiments, non-nutritive food, single ingredient food, alcoholic beverages, formulated products sa mga sanggol at mga bata at pagkain para sa special medical purposes.
Ang mga packaged food products na lalagyan ng Health Rating System ay sumusukat sa pangkalahatang ‘nutritional profile’ ng pagkain mula sa 1 na katumbas ng ‘least nutritious’ o pinaka hindi masustansyang pagkain hanggang 5 na katumbas naman ng rating na ‘most nutritious’ o pinakamasustansyang pagkain.
Ang rating system na ito ay ibinabase sa sukat ng total energy o kilojoules, saturated fat, sodium, sugar content at fiber.
Ilalagay naman ang Health Rating System sa harap ng packaging ng pagkain kasama ang detalye ng nutrient content.
Ang mga food manufacturers na hindi susunod kapag ito ay naging batas ay mahaharap sa parusang multang P50,000 o immediate suspension order ng kumpanya mula sa Food and Drug Administration (FDA).