Paglalagay ng Kadiwa centers sa buong bansa, tugon sa patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin

Hiniling ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee sa liderato ng Kamara na agad talakayin ang inihain niyang House Bill No. 3957 o panukalang “Kadiwa Agri-Food Terminal Act.”

Layunin ng panukala ni Lee na magkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng Department of Agriculture (DA) at mga lokal na pamahalaan para sa pagtatayo ng Kadiwa Agri-food Terminals sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Ang “Kadiwa ni Ani at Kita Program” ay programa ng DA kung saan pwedeng magbenta ng kanilang mga produkto ang mga magsasaka at mangingisda direkta sa mga mamimili.


Diin ni Lee, matutulungan nito ang mga magsasaka at mangingisda na kakarampot ang kinikita.

Ayon kay Lee, tiyak na makakatugon din ang Kadiwa centers sa patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin dahil mas mura ang mga produktong ibinibenta dito.

Kapag naging ganap na batas ang panukala ni Lee ay paglalaanan ito ng ₱25 billion sa unang taon ng pagpapatupad habang ₱10 billion naman ang ipapaloob sa budget ng DA para sa pagpapalawig ng implementasyon nito.

Facebook Comments