
Pinag-aaralan ng pamahalaan ang paglalagay ng limitasyon sa “unprogrammed appropriations” o mga pondong wala sa regular na budget.
Tugon ito ng Malacañang matapos tanungin kung sinusuportahan ng Pangulo ang panukala ng Department of Budget and Management (DBM) na lagyan ng cap ang naturang pondo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, binubuo pa ng DBM ang panukalang Philippine Budgeting Code na magtatakda ng mas malinaw at mas mahigpit na patakaran sa paggamit ng unprogrammed appropriations.
Layunin ng reporma na masigurong ang mga pondong ito ay gagamitin lamang sa tiyak at limitadong layunin, at hindi magiging malawak na discretionary fund.
Target ng DBM na mapanatili sa mas mababa sa limang porsyento ng kabuuang pambansang badyet ang halaga ng unprogrammed appropriations, batay sa datos at galaw ng pananalapi.










