Paglalagay ng maritime CAFGU sa WPS, suportado ni Senator Marcos

Suportado ni Senador Imee Marcos ang plano ng militar na magpadala sa West Philippine Sea ng maritime version ng Civilian Armed Forces Geographical Units (CAFGUs) pantapat sa napa-ulat na pagdami ng grupo ng Chinese militia.

Giit ni Marcos , hindi natin dapat sukuan ang pagtanggol sa mga mangingisda lalo na tayo ang palaging nabibiktima ng pambu-bully ng China sa WPS.

Hinikayat din ni Marcos ang pagpapalawak sa pagre-recruit ng Naval Special Operations Group (NAVSOG), o mas kilalang Philippine Navy Seals, sa mga komunidad ng Pilipinong mangingisda.


Kaugnay nito ay inihain din ni Marcos ang Senate Bill 1871 para muling buhayin ang Self-Reliance Defense Posture Program o SRDP na ipinatupad ng Presidential Decree 415 noong 1974.

Ang programang SRDP ay maaaring maglikha ng mga armas pandigma gamit ang mga indigenous materials o mga katutubong materyales at malaki pa ang ating matitipid na dolyar.

Inihain din ni Senadora Marcos and Senate Bill 1707 upang mapreserba ang lihim at maging ang ‘top-secret nature’ ng pagbili ng mga supply at gamit na pang-depensang militar na sa kasalukuya’y hindi exempted sa pagsasapubliko ng General Procurement Act.

Paliwanag ni Marcos, sa pagiging transparent ay hindi kailangang ibuyangyang din ang pagbili ng mga pangunahin at “highly classified defense material” na kapag isiniwalat, ay maaaring maging dahilan para mameligro ang pambansang seguridad.

Facebook Comments