Dinepensahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paglalagay ng prototype shield sa mga motorsiklo.
Kasunod ito ng mga reklamo na posibleng magdulot ng kapahamakan sa mga nagmomotorsiklo ang shield lalo na kung malakas ang hangin.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni DILG Secretary Eduardo Año na nakadepende sa driver ang kaligtasan niya at ng kaniyang angkas.
Katunayan, mas lalo nga aniyang magiging maingat ang mga driver kung mayroong barrier sa kanyang likod dahil magdadahan-dahan lang ito sa pagmamaneho.
Ayon kay Año, patuloy na tatanggap ng proposal para sa design ng barrier ang pamahalaan kahit inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force ang design na isinumite ni Bohol Gov. Arthur Yap.
Samantala, nilinaw din ng kalihim na hindi na kailangang magpakita ng marriage certificate para mapatunayang mag-asawa ang magka-angkas sa motorsiklo.
Aniya, malalaman naman sa ID na mag-asawa ang magkaangkas kung pareho ang kanilang apelyido at address ng bahay.