
Pinatitiyak ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na maglalagay ng probisyon laban sa mga pang-aabuso at pag-epal ng mga politiko sa mga ayuda programs sa ilalim ng 2026 national budget.
Tulad sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), iginiit ni Lacson na hindi na dapat makialam ang mga senador at kongresista sa pamamagitan ng pag-iisyu ng guarantee letters sa mga nagpapaospital.
Binigyang-diin ni Lacson na kahit buhusan ng ₱100 billion ang MAIFIP at mga programang pangkalusugan ay papabor siya basta’t hindi pagsasamantalahan at hindi pakikialaman ng mga politiko ang implementasyon.
Sinang-ayunan ng mga kapwa senador sa majority bloc ang iginiit niyang anti-epal provision sa national budget kung saan pagbabawalan ang mga politiko sa bigayan ng ayuda.
Ipinunto ni Lacson na lagyan ng penal provision o parusa ang mga politikong eepal pa rin.
Paalala pa ni Lacson, limitado lang ang papel ng mga mambabatas sa pagbalangkas ng budget at hindi sa pagpapatupad nito.









