Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang paglalagay ng special lane para sa mga health workers sa lahat ng checkpoints sa Luzon.
Ayon kay PNP Chief Director General Archie Gamboa, itinuturing na frontliners ang lahat ng health workers sa bansa.
Kaya makikipag-ugnayan sila sa government’s Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para mabilis ang biyahe ng mga ito.
Samantala, inilatag ng Department of Transportation (DOTr) ang ruta ng mga bus na ipakakalat para sa mga frontline health workers sa buong Luzon.
Paliwanag ni DOTR Secretary Arthur Tugade, sampung bus ang inilagay sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at BFCT East Metro Transport Terminal sa Marikina City na sinimulan kaninang alas-7 ng umaga.
Libre ang pasahe sa mga bus at dadalhin sila sa mga nakatakdang ruta:
Route 1: (PITX – Quezon City General Hospital via Makati/Pasig)
Route 2: (PITX – San Lazaro / Chinese General Hospital via Manila/Taft)
Route 3: (BFCT – San Lazaro Hospital via East Ave./E. Rodriguez)
Maliban dito, inihahanda na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pick-up points para sa mga OFWs na papuntang airport.
Paliwanag ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, kasama ang Inter-Agency Task Force (IATF) resolution ang paglalagay ng pick-up points.
Magkakaroon din, aniya, ng karampatang announcement ang OWWA para maipaabot ito sa publiko.