
Isinulong nina Abra Rep. JB Bernos at Solid North Party-list Rep. Ching Bernos na magkaroon ng veterinary clinic ang bawat lokal na pamahalaan sa buong bansa.
Nakapaloob ito sa House Bill No. 5059, o panukalang Animal Medical Center bill na inihain ng mag-asawang Bernos.
Layunin ng panukala na agad matukoy at maiwasan ang pagkalat ng mga sakit sa hayop tulad ng African Swine Fever (ASF).
Binigyang-diin sa panukala na mahalagang mabigyan ang mga may-alagang hayop gayundin ang mga magsasaka at livestock raisers ng access sa kinakailangang animal healthcare.
Ayon kay Congresswoman Bernos, hindi dapat optional ang pagtatayo ng mga local veterinary clinics dahil ito ay matinding pangangailangan na may epekto sa kalusugan, seguridad sa pagkain, at ekonomiya.









