Paglalagay ng watawat ng Pilipinas, ipinanawagan ng National Security Council

Kasabay ng taunang paggunita ng National Flag Day na nagsimula noong May 28, nananawagan si National Security Adviser Secretary Eduardo Año sa bawat Filipino na ibandera ang bandila ng Pilipinas bilang simbolo ng pagmamahal sa bayan at commitment na ipagtanggol ang teritoryo at soberenya ng bansa sa gitna narin ng kasalukuyang tensyon sa West Philippine Sea.

Hinihikayat ng kalihim ang sambayanan na magkabit ng bandila sa kanilang mga sasakyan, tirahan, tanggapan, paaralan at iba pang establisamyento hanggang sa komemorasyon ng Araw ng Kalayaan sa darating na Hunyo 12.

Ayon kay Año, ang pag-display ng bandila ng Pilipinas ay hindi lamang bahagi ng tradisyon, kundi pagpapakita ng pagmamahal sa bansa at kahandaang mag-alay ng buhay para sa bayan.


Aniya, lahat ng Philippine Navy, PCG vessels maging ang mga bangka ng mga mangingisda sa West Philippine Sea ay mayruong watawat ng Pilipinas na sumisimbolo sa pagtataguyod ng ating soberenya.

Samantala, sinabi pa nito na malapit naring makamit ang tagumpay kontra sa mahigit 50 dekadang insurhensya sa bansa.

Ang kailangan na lamang aniyang pagtuunan ng pansin sa ngayon ay ang seryosong banta sa ating pambansang seguridad kabilang na ang disinformation, malign influence at foreign intrusion.

Facebook Comments