Pinapasuspinde ni Senator Nancy Binay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang “white sand project” sa Manila Bay kung talagang iniisip nito ang kapakanan ng kalikasan at ng taumbayan.
Ginawa ito ni Binay, kasunod ng babala ng Department of Health (DOH) na ang nasabing white sand o dolomite dust ay delikado sa kalusugan dahil maaaring magdulot ng respiratory reactions, eye irritation at discomfort sa gastrointestinal system.
Malinaw para kay Binay na ang paglalagay ng dolomite bilang substitute sa white sand ay hindi dumaan sa tamang proseso, walang environmental clearance, walang public consultation, hindi pinag-aralan at bara-bara ang plano.
Giit ni Senator Binay, dapat may feasibility studies at science-based ang laman ng plano para sa Manila Bay rehabilitation.
Kaugnay nito ay nananawagan si Binay sa DENR na isapubliko ang budget at ang approved environmental impact ng white sand project sa Manila Bay dahil karapatan ng publiko na malaman ang buong detalye ng proyekto.
Diin pa ni Binay, mas dapat unahin ang pagsasaayos sa kalidad ng tubig sa Manila Bay bago ang palamuti tulad ng paglalagay ng artificial white sand.