Pinamamadali ni Ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong ang pagbalangkas at pagsasapinal ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa safety guidelines para payagan na ang pag-angkas sa motorsiklo ng mga mag-asawa at magkakapamilya.
Ayon kay Ong, welcome at ikinatuwa niya na papayagan na ang ‘backriding’ sa motor ng mga magkakapamilya lalo na’t limitado at nahihirapan pa rin ang marami sa pagsakay sa public transportation.
Hiniling ng kongresista na madaliin na ng IATF ang pagbuo ng guidelines upang mabigyan na ang publiko ng ligtas at accessible na paraan ng pagbiyahe sa gitna ng pandemic.
Umapela naman si Ong sa IATF na huwag nang ipilit ang social distancing sa mga couples at magkakamag-anak sa pagsakay ng motor, dahil tiyak na wala namang nagaganap na physical o social distancing sa loob ng tahanan.
Sa halip, inirekomenda ng kongresista na mag-isyu ang IATF ng special IDs o exemption passes na may larawan ng mag-asawa o magkamag-anak.
Bago naman mabigyan ng special IDs o exemption passes ang magkakapamilya ay hihingan muna ang mga ito ng requirements, tulad ng marriage certificate o barangay certificate bilang patunay sa kanilang relationship status.