Inutos na ni Philippine Army Chief Lt.Gen. Romeo Brawner Jr., sa kaniyang mga tauhan na paigtingin pa ang kanilang operasyon para malansag ang private armed groups.
Aniya, ito ay para matiyak na magiging payapa at maayos ang nalalapit na national at local elections sa Mayo.
Sa kaniyang unang Army-wide Command Conference para sa taong ito, pinaalalahanan din ni Brawner ang mga sundalo na dapat bumoto at tiyaking magiging maayos ang eleksyon.
Hindi aniya nila hahayaang manaig sa kanilang hanay ang anumang uri ng partisan politics maging ang tinatawag na military adventurism.
Panawagan naman ni Brawner sa mga kandidato lalo na sa mga nasa malalayong lalawigan na iwasan nang magbayad ng “permit to campaign” sa mga rebelde ngayong nagsimula na ang panahon ng halalan.