Paglantad ng isa sa persons of interest sa pagpatay kay retired CA Justice Normandie Pizarro, inaabangan ng DOJ

Tinututukan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang paglantad ng isa sa apat na persons of interest sa pagpatay kay retired Court of Appeals (CA) Justice Normandie Pizarro.

Una nang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na isa sa mga suspek ay handang ibunyag ang kanyang nalalaman kaugnay ng pagpatay sa dating mahistrado ng CA.

Una rito, sinabi ni Guevarra na base sa forensic chemistry division report ng NBI, lumalabas na 99.99999 percent na nag-match ang DNA result ni Pizarro sa DNA ng kanyang mga kaanak.


Sinabi ni NBI Director Eric Distor na dahil na rin sa dental evidence na nakolekta ng forensic team ng NBI ay nag-match ito sa dental records ng dating mahistrado.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng NBI sa motibo sa krimen at kung sino ang nasa likod nito.

Ang bangkay ni Pizarro ay natagpuan sa Capas, Tarlac noong Oktubre 30.

Sinabing hindi kaagad nakumpirma na si Pizarro ang bangkay dahil inalis ang mga daliri nito at pinutol ang kabilang kamay para mawala ang finger print.

Huling nakitang buhay si Pizarro sa Pampanga noong Oktubre 23 at kinalaunan ay iniulat ng kaniyang mga kaanak na nawawala ito.

Oktubre 30 rin nang makita ng mga otoridad ang inabandonang sasakyan ni Pizzaro sa San Simon na may bahid ng dugo.

Si Pizzaro na nagretiro noong taong 2018 at naging kontrobersiyal dahil sa pag-absuwelto nito sa sinasabing pork barrel mastermind na si Janet Lim-Napoles sa kasong serious illegal detention noong May 2017.

Sinulat din nito ang ruling para ma-acquit si dating Palawan Governor Joel Reyes sa pagkamatay ng environmentalist at broadcaster na si Gerry Ortega sa Puerto Princesa, Palawan noong 2011.

Ibinasura rin ni Pizzaro ang desisyon ng korte sa Hawaii kaugnay ng $2-billion na halaga ng kompensasyon para sa human rights victims noong Martial Law.

Noong April 2018, pinagmulta ng Supreme Court si Pizarro ng P100,000 dahil sa conduct unbecoming of a member of the judiciary dahil sa kanyang gambling addiction.

Facebook Comments