Paglaya ni Sanchez at Druglords, kinakasangkapan sa pagsasabatas ng parusang bitay

Umaasa ang isang opisyal ng CBCP, Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care na hindi magamit na argumento sa pagbabalik ng parusang kamatayan ang nakaambang pagpapalaya sa convicted rapist and murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez at mga druglord na tumestigo laban kay Senador Leila de Lima.

Ayon kay Bro. Rudy Diamante, Executive Secretary ng Komisyon, na hindi dapat magpalinlang ang mamamayan sa ginagawang pamumulitika sa usapin upang maisulong ang muling pagsasabatas ng Death Penalty sa Pilipinas.

Nanindigan din si Diamante na hindi dapat maabuso ang Republic Act (R.A.) 10592 o ang Conditional Expanded Good Conduct Time Allowance na magpapalaya sa mga bilanggo na nakapagpakita ng good behavior sa loob ng bilangguan.


Aminado si Diamante na ang lahat ng tao ay karapat-dapat na magkaroon ng pangalawang pagkakataon upang makapagbagong buhay na hindi nakita at naipamalas ni Sanchez matapos mahulihan ng 1.5-Milyong pisong halaga ng shabu sa loob ng kanyang selda.

Ipinagtataka rin ni Diamante na hindi kinasuhan si Sanchez sa nasamsam na shabu.

Facebook Comments