Pagle-leave of absence ng mga opisyal ng PhilHealth, hindi makakaapekto sa imbestigasyon ng DOJ

Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na hindi makakaapekto sa imbestigasyon ng binuong Task Force ang pag-leave of absence ng ilang opisyal ng PhilHealth dahil sa kanilang medical condition.

Kasunod na rin ito ng paghingi ni PhilHealth President Ricardo Morales ng medical leave dahil sa kanyang chemotherapy matapos na ma-diagnose sa sakit na lymphoma.

Sa interview ng RMN Manila kay DOJ Spokesperson at Usec. Markk Perete, binigyan diin nito na hindi makakasagabal ang pagle-leave ng mga opisyal ng PhilHealth dahil maaari nilang ituon ang kanilang imbestigasyon sa ibang ebidensya at empleyado ng ahensya.


Pagtitiyak ni Perete, susuyurin nila ang lahat ng anomalya sa PhilHealth.

Target ng DOJ Task Force na tapusin ang imbestigasyon sa PhilHealth sa loob ng isang buwan, kaya sinabi ni Perete na nakikipag-tulungan na sila sa Commission on Audit (CoA) at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) para sa mga nakalap na ebidensya.

Samantala, sa interview ng RMN Manila kay PACC Commissioner Greco Belgica, binigyan diin nito na mahalaga ang mga isinasagawang imbestigasyon sa anomalya sa PhilHealth kaya marapat lang ang presensya ng mga opisyal ng ahensya.

Pero sa kabila nito, sinabi ni Belgica na desisyon pa rin ng investigating body kung ipapatawag o hindi ang mga opisyal na naka-leave dahil sa medical condition.

Una nang itinuturing na welcome development ng PACC ang ikinasang task force investigation ng DOJ lalo na’t sila ang nagrekomenda nito kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments