Pagliban ng lima sa anim na police escort ni Gov. Degamo ng mangyari ang pagpatay sa kanya, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Pinapa-imbestigahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa House Committee on Public Order and Safety ang pagliban ng lima sa anim na police escort ni Negros Oriental Gov. Roel Degamo sa mismong araw na siya ay pinaslang kung saan nadamay ang ilan pang katao.

Ayon kay Romualdez, noon pa man ay ini-report na sa pulisya ni Gov. Degamo na mayroong banta sa kanyang buhay kaya dapat ay nagpatupad ng mas mahigpit na mga hakbang o pagbabantay ang kanyang security detail.

Kaya naman ipinunto ni Romualdez na lubhang kahina-hinala na wala ang karamihan sa kanyang police escorts noong March 4 kung kelan siya pinaslang.


Katwiran ni Romualdez, lumalabas na mukhang alam ng mga salarin na walang sapat na proteksyon si Gov. Degamo kaya matagumpay nilang naisagawa ang krimen.

Binanggit ni Speaker Romualdez na tila may pagkakatulad ito sa nangyaring pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe noong 2019 habang wala rin ang dalawa sa tatlo niyang security escorts.

Sabi ni Romualdez, bukod sa imbestigasyon sa security detail ni Degamo, ay target din ng pagdinig na madetermina kung may sapat na proteksyon ang lahat ng opisyal ng gobyerno na nasa panganib ang buhay.

Facebook Comments