Ika-21 ng Marso taong kasalukuyan nang pormal na ideklara ng PAGASA ang pagsisimula ng tag-init o summer season ngayon taon at halos dalawang buwan nang umiiral ang nararanasang mainit na panahon.
Dahil sa nararanasang mainit na panahon, apektado ang maraming indibidwal partikular na sa mga mag-aaral kung saan nagiging dahilan ito para lumiban ang mga mag-aaral.
Ayon sa ilang mga guro sa Pangasinan, pansin umano nila ang hirap na dinaranas ng mga bata dahil sa panahon at pansin rin nila ang pagliban ng kanilang mga estudyante dahil apektado ang mga ito at ang ilan ay lumiliban dahil sa pananakit umano ng kanilang mga ulo.
Kaya’t upang makatulong sa mga bata at makaiwas sa mga sakit ay namimigay na ang ilang paaralan ng libreng gamot para rin maiwasan ang pagliban ng mga ito.
Samantala, sa naging panayam ng IFM Dagupan sa ilang guro ng Pantal Elementary School sa Dagupan City, kahit kakaunti lang ang kanilang ginagawa partikular na ang pagtuturo ay napapatigil umano sila dahil ramdam nila ang pawis na dulot ng mainit na panahon kung kaya’t binabawasan na ng mga guro ang mga physical activities upang maiwasan ang pagtagaktak ng kanilang pawis.
Matatandaan na ipinatupad ng DepEd ang pag-shift ng klase sa modular kung saan walang naganap na pagpasok ng mga estudyante sa loob ng isang linggo sa mga paaralan upang makatulong sa mga bata at upang makaiwas sa mainit na panahon. |ifmnews
Facebook Comments