Irerekomenda ni Health Secretary Ted Herbosa sa mga lokal na pamahalaan na patawan ng parusa ang mga magsi-swiming o maliligo sa baha sa panahon ng tag-ulan.
Ito’y sa gitna ng paglobo ng kaso ng leptospirosis sa bansa matapos ang malawakang pagbaha dahil sa Habagat at Bagyong Carina.
Sa ambush interview sa Malacañang, iginiit ni Herbosa na kaya naman daw kasing maiiwasan ang leptospirosis kung walang lulusong sa baha.
Kaugnay nito, kakausapin aniya ni Herbosa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at local government units na magpasa ng ordinansa na nagbabawal na sa paglangoy, paliligo, at pagbabad sa baha.
Samantala, kinumpirma rin ni Herbosa na nakapagtala na sila ng apat na nasawi dahil sa leptospirosis.
Umabot na rin daw sa epidemic threshold ang kaso ng leptospirosis sa mga binahang lugar.