Siniguro ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa transportation officials ng European Union na ginagawa ng Pilipinas ang lahat para matugunan ang certification issues patungkol sa mga Pilipinong seafarers.
Ito ay para makasunod sila sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) Convention.
Kaugnay nito’y iniutos ng pangulo ang paglikha ng advisory board na kabibilangan ng mga ahensya ng pamahalaan, international shipowners at iba pang stakeholders.
Ibinigay ni Pangulong Marcos ang utos sa pakikipagpulong sa international maritime employers at mga may-ari ng barko sa Brussels, Belgium.
Binigyang diin ng presidente ang kahalagahan ng Pinoy seafarers sa bansa dahil sa malaking naitutulong nila sa ekonomiya sa pamamagitan ng remittances.
Kinikilala rin nito na ang Pilipinas ang nangungunang seafarers sa buong mundo, pero nagbago aniya ang sitwasyong ito matapos ang pandemya.
Kaya ipinunto ng pangulo na nararapat masilip ang kanilang training at mga pagbabago sa curriculum.