Paglikha ng Coco Levy Trust Fund, lusot na sa ikatlong pagbasa ng Kamara

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para sa pagbuo ng Coco Levy Trust Fund.

Sa botong 221 yes, 6 no at zero abstention ay idedeklarang trust fund ang mga coco levy assets upang maisaayos at mamodernisa ang coconut industry sa bansa.

Sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, gagamitin na trust fund ang buwis na nakolekta mula sa mga coconut farmers na umabot na sa P100 billion.


Ang paggamit naman sa trust fund ay salig sa nais ng mga coconut farmers at industry development plan na ihahanda naman ng Philippine Coconut Authority (PCA).

Una nang itinutulak ni Speaker Lord Allan Velasco na gawing pamasko para sa tatlong milyong magni-niyog ang pagpasa sa panukala bago ang kanilang Christmas break.

Sa oras na maging ganap na batas ay pakikinabangan ito ng nasa 3.5 million coconut farmers mula sa 68 coconut producing provinces mula sa tax collections na ipinataw sa ilalim noon ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Inisyal na P5 billion ang ilalaang pondo para sa bubuuhing Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) habang ang Department of Finance (DOF) naman ang magtatalaga nang mamahala ng naturang trust fund.

Facebook Comments