Dapat lumikha pa ng maraming trabaho ang pamahalaan sa halip na pagtaas ng sahod upang maiahon ang mga Pilipino sa kahirapan.
Ito ang iginiit ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) kasunod ng pahayag ni Association of Democratic Labor Organizations (ADLO) President Duds Gerodias na sinusuportahan nila ang panawagan na taas-sweldo sa mga manggagawa.
Paliwanag ni ECOP President Sergio Ortiz-Luis, ang pagtaas kasi ng sweldo ng mga empleyado ay maaaring magresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo ng mga micro, small, and medium enterprises (MSME).
Dagdag pa ni Ortiz-Luis, nakikinabang lamang sa taas-sahod ay ang mga nasa formal labor sector na binubuo lang ng halos 10 percent ng 50 milyong manggagawa.
Sinabi pa ni Ortiz-Luis na dapat ang gobyerno ay bumuo ng matagalang solusyon sa mga problema sa ekonomiya.
Una nang sinusulong ni Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) National President Santiago Dasmariñas Jr., ang P33,000 minimum wage kada buwan matapos ang patuloy na pagtaas ng inflation rate sa bansa.