Paglikha ng Medical Reserve Corps, mamadaliin sa Kamara

Tiniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mabilis na pag-apruba sa panukala para sa paglikha ng Medical Reserve Corps upang matugunan ang problema sa kakulangan sa medical workforce tuwing may national emergency tulad ngayong may COVID-19 pandemic.

Nakasaad sa panukala ang paggamit ng pamahalaan tuwing national emergency sa mga indibidwal na nagtapos ng medisina, nursing, medical technology at iba pang health-related fields pero hindi pa nakakakuha ng lisensya dahil sa iba’t ibang kadahilanan.

Ayon kay Cayetano, sa mga ganitong sitwasyon tulad ng pandemya ay mahalaga na may nakahanda agad na emergency manpower para sa mabilis at epektibong paghahatid ng serbisyo sa mga biktima o pasyente.


Iginiit ng Speaker na naghihintay lamang din ang mga non-practicing medical forces na ma-tap ng gobyerno at magamit ang kanilang mga kaalaman sa emergency kaya mahalagang ma-i-institutionalize ang pagbuo ng Medical Reserve Corps.

Sa ngayon ay apat na panukala na ang nakabinbin sa House Defeat COVID-19 Adhoc Committee at sa Committee on Health na naghihintay na lamang na maipasa.

Tinukoy rin nito ang tala sa Philippine Medical Association (PMA) na sa bawat doctor ay 1,300 na pasyente ang nakatalaga rito, malayo sa ideal na physician-to-patient ratio ng World Health Organization (WHO) na 1:800 (1 doctor sa kada 800 pasyente).

Nitong nagdaang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hiniling niya sa Kongreso na madaliin ang pag-apruba sa mga panukala upang madagdagan na ang medical workforce ng bansa sa gitna ng pandemya.

Facebook Comments