Iminungkahi ni House speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbuo ng mega government task force na tutugis sa mga nagmamanipula sa presyo ng mga bililhin sa bansa lalo na ang pagkain.
Ayon kay Romualdez, ang mega task force ay maaring buuin ng Department of Agriculture (DA), Department of Justice (DOJ) kasama ang National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Department of Trade and Industry (DTI).
Suhesyon ito ni Romualdez, makaraang lumabas sa imbestigasyon ng House Quinta Committee ang mga sabwatan at pagmanipula sa presyo ng bigas kahit sobra sobra ang suplay nito at tinapyasan pa ang taripa sa imported rice.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at ACT CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo, ang bawat pagdinig ng House Quinta Committee ay masusing tinututukan ni Romualdez sa layuning mahanapan ng solusyon ang mataas na presyo ng pagkain lalo na ang bigas.
Binanggit naman ni House Committee on Agriculture at Quezon Rep. Mark Enverga, natuklasan sa imbestigasyon ng Quinta Committee na may cartel nga na kumikilos kaya nananatiling mahal ang bilihin at sila ang kumikita.