Paglikha ng mga pangmatagalang trabaho, dapat na tutukan ng pamahalaan

Inirekomenda ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas sa pamahalaang Duterte na seryosohin ang pagtatatag ng mga industriyang makalilikha ng pangmatagalang trabaho para sa mga Pilipino.

Ang suhestyon ng kongresista ay kasunod na rin ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan nadagdagan pa ng 200,000 ang bilang ng mga mahihirap na pamilya sa bansa o 10.9 million poor Filipino families sa unang quarter ng 2022 mula sa 10.7 million na mahihirap na pamilyang naitala noong December 2021.

Giit ng progresibong mambabatas, sa kabila ng pagluwag ng restrictions at pagtaas ng GDP sa 8.3%, napatunayan namang hindi epektibo ang “Dutertenomics” para makapagbigay ng kaluwagan sa mga Pilipino sa gitna ng nagtataasang mga presyo ng bilihin.


Aniya, masyadong nakasentro ang pamahalaan sa mga imprastraktura at dayuhang pamumuhunan para sa pagpapasigla ng ekonomiya.

Ang higit na kailangan aniya ay mga programa para sa price-control, dagdag na sahod, pagtatatag ng national industries, genuine land reform, pagbawas ng dependence sa imported commodities at iba pang programa na gagamitin ang pondo ng taumbayan para sa critical economic sectors at social welfare.

Facebook Comments