Sang-ayon ang Department of Science and Technology (DOST) na maglagay ng water impounding sa Candaba, Pampanga bilang solusyon sa nararanasan na pagbaha.
Sa pahayag ni DOST Sec. Renato Solidum sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi nito na mas mabisa ang water impounding sa halip na dredging o paghuhukay ng mga ilog.
Matatandaang sa pagtungo ni Pangulong Bongbong Marcos sa Pampanga noong isang araw, iminungkahi nito ang paglalagay ng water impounding kaysa hukayin ang mga ilog.
Paliwanag ni Solidum, habang hinuhukay ang ilog ay lalo lamang lilikha ito ng panganib dahil bababa ang mga graba at buhangin sa pinaghukayan.
Aminado naman si Solidum na mayroon epekto sa ilang sakahan ang water impounding ngunit mas marami naman ang matutulungan nito.
Hindi rin kumbinsido ang kalihim na dapat ay maglaan ng pondo sa paggawa ng mga mega dike sa Central Luzon dahil mapupuno lamang din ito ng mga buhangin at graba.
Aniya, sa pamamagitan ng water impounding, mas maliit ang gastos ng gobyerno at maiipon pa ang tubig na maaaring gamitin sa panahon ng tag-init.