Paglikha ng National Traffic Enforcement and Management Center, tugon sa pagsisikip ng trapiko tuwing Pasko

Pinamamadali ni Senator Sherwin Gatchalian ang paglikha sa National Traffic Enforcement and Management Center para mas maging epektibo ang pagpapatupad sa batas trapiko at road safety policy.

Ipinunto ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na sistema ng traffic management sa bansa para na rin sa kaligtasan ng mga motorista at mga pasahero.

Maisasaayos din aniya ang daloy ng trapiko sa mga kalsada lalo na tuwing Pasko at may mall sale kung saan dagsa rin ang mga tao at mahirap ang byahe.


Sa inihaing Senate Bill 1059, layon ng itatatag na Traffic Center na mapalakas ang kapasidad ng mga traffic enforcers sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga ito sa lahat ng aspeto ng ‘traffic enforcement and management’ tulad ng traffic engineering, road safety, accident investigation, driver training, post-accident management at pag-unawa sa mga traffic violation.

Naniniwala si Gatchalian na ang traffic enforcer na nakapagsanay ng husto sa pagpapatupad ng batas trapiko ay magbibigay katiyakan sa kaligtasan ng publiko sa mga lansangan partikular ang mga motorista at pedestrians gayundin ang maayos na traffic management system.

Layon din ng batas na isailalim sa road safety audits ang mga highway at road transportation project and traffic management scheme para matukoy ang mga panganib sa kalsada.

Isinusulong din ng panukala ang pagsasanay sa publiko kaugnay sa basic na batas trapiko, edukasyon at asal sa pagmamaneho at mga sanhi at panganib na nagiging daan ng mga aksidente sa lansangan.

Facebook Comments