Paglikha ng online library sa bansa, isinusulong ng isang senador

Isinusulong ni Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang paglikha ng Philippine Online Library upang matiyak na pandemic-proof ang mga learning material.

Sa ilalim ng Senate Bill 477 o Philippine Online Library Act na inihain ni Gatchalian, inaatasan ang Department of Education (DepEd) na bumuo ng digital copy ng lahat ng mga textbook at reference book na kinakailangan para sa public education.

Titipunin ang mga libro sa Philippine Online Library na magkasamang pangangasiwaan ng DepEd at Department of Information and Communications Technology (DICT).


Para magkaroon ng access sa digitized copies ng mga textbook, ang DepEd ay dapat siguraduhing mayroong computers, laptops, o ibang angkop na devices sa lahat ng mga paaralan sa elementarya at sekondarya.

Ang DICT naman ay dapat na matiyak na may libre, maaasahan, at secure na internet access sa kada elementary at secondary public schools.

Naniniwala si Gatchalian na sa ilalim ng Philippine Online Library, ay mas malawak ang access ng mga estudyante at mga guro sa mga aklat at maipagpapatuloy ang edukasyon makaranas man ulit ang bansa ng pandemya, kalamidad o iba pang sakuna.

Facebook Comments