Isinusulong ni Deputy Speaker at Las Pinas Rep. Camille Villar ang paglikha ng virology agency na siyang daan para maging handa ang Pilipinas sa public health emergencies tulad ng pandemya.
Nakapaloob sa House Bill 5683 na inihain ni Villar na kailangang magkaroon ang bansa ng nararapat na mekanismo at paghahanda para palakasin ang ating healthcare system at maiwasan ang malubhang epekto sa kalusugan at kabuhayan ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng panukala, ang itatayong Virology Institute ay isasailalim sa Department of Science and Technology (DOST).
Pangunahing mandato nito ang pagsasagawa ng research kaugnay sa viruses at viral diseases tao, halaman at mga hayop.
Magiging trabaho rin nito na makipag-ugnayan at bumuo ng partnerships sa iba pang mga eksperto at virology centers sa iba’t ibang panig ng mundo.
Para ito sa pagsasagawa ng makabagong pag-aaral o pagsasaliksik na magpapa-angat ng virology sa bansa kasama ang paglikha ng mga bakuna at gamot.