Paglikha ng specialty hospital para sa mga matatanda, ipinasasabatas na ng isang senador

Kinalampag ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang mga kasamahang senador na iprayoridad ang paglikha ng specialty hospital para sa mga senior citizens.

Pinamamadali ni Pimentel sa Senado ang pagpapatibay sa panukala na pagtatatag ng Philippine Geriatric Medical Center upang mabigyan ng mas maayos na pangangalaga sa kalusugan at sa mga karamdaman ng halos sampung milyong mga senior citizens sa bansa.

Walong panukala ang nakabinbin para sa pagtatatag ng geriatric health care at research na ayon kay Pimentel, patunay na maraming senador ang naniniwala na kailangan at dapat madaliin ang pagpapasa sa panukala.


Tulad aniya sa mga specialty hospitals para sa mga bata at mga buntis, mahalaga rin na makatanggap ng pangangalaga at tulong mula sa pamahalaan ang mga matatanda.

Dagdag pa ni Pimentel, pagsapit ng 2030, inasaahang magiging aging society na ang Pilipinas at higit lalong kailangan ang paglikha at pagmintina ng mga pasilidad na sadya para sa mga matatanda lalo pa’t walang support system o kakayahang pinansyal ang mga ito.

Facebook Comments