Iginiit ni presidential aspirant Senator Manny Pacquiao ang paglikha ng super agency na hindi lang mangangasiwa sa disaster response at disaster resilience kung hindi lilikha rin ng long-term strategies para sa epekto ng climate change.
Diin ni Pacquiao, mas mainam ito kumpara sa mungkahing i-upgrade at gawing executive department ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDDRMC).
Pinuna ni Pacquiao na ang NDRRMC ay nakatuon lang sa pagresponde sa mga kalamidad at hindi lumilikha ng long-term disaster adaptation strategies.
Sabi ni Pacquiao, mas makabubuting isama sa panukalang Department of Disaster Resilliance ang Climate Change Commission para mapahusay ang pagtugon sa lahat ng uri ng kalamidad.
Binanggit ni Pacquiao na ang malalakas na bagyo na humagupit sa Mindanao at Palawan sa nakalipas na mga taon ay indikasyon ng climate change kaya’t kailangang pag-aralang mabuti at repasuhin ang ating disaster resilience at disaster adaptation strategies.
Sinisi rin ni Pacquiao sa hindi masawatang illegal logging at illegal mining operations ang nararanasang mga matitindi at malawakang pagbaha sa Mindanao.