Isinulong ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang paglikha ng isang State University sa Montalban.
Layunin ng panukala ni Nograles na matugunan ang pangangailangang pang-edukasyon ng mamamayan sa Montalban at mga katabing komunidad.
Nakapaloob sa inihaing House Bill No. 2590 ni Nograles na i-convert bilang University of Montalban ang Colegio De Montalban at ang University of Rizal System- Montalban Campus na parehong pampublikong institusyon.
Tinukoy ni Nograles ang 2020 Census na nagpapakita na ang Montalban ay pangunahing bayan sa Pilipinas na may pinakamalaking populasyon na umaabot sa halos 444,000.
Ayon kay Nograles, dumaragsa ang tao sa Montalban dahil sa patuloy nitong pag-unlad habang nananatiling mababa ang cost of living kumpara sa Metro Manila.
Paliwanag ni Nograles, dahil dito ay lumalawak ang pangangailangan sa dekalidad na edukasyon ng mga taga-Montalban na matutugunan sa pamamagitan ng pagtatayo ng University of Montalban.